Inatasan na ni PNP Chief General Archie Francisco Gamboa ang kanilang health service na makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH).
Ito’y kasunod ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya hinggil sa posibilidad na pagpasok sa Pilipinas ng 2019 novel corona virus na sinasabing nagmula sa Wuhan, China.
Kasabay nito, inatasan din ni Gamboa ang mga PNP Regional Directors na makipag-ugnayan din sa kani-kanilang regional health offices para tuntunin ang mga dayuhang nagtataglay ng nasabing sakit at nakapasok sa bansa.
Magugunitang isang 5 taong gulang na bata mula sa Wuhan ang nakapasok umano sa Pilipinas sakay ng Cebu Pacific Flight mula Hong Kong patungong Cebu noong Enero 12.
Gayunman, una nang kinumpirma ng DOH na nagnegatibo sa nCoV ang naturang bata matapos lumabas ang resulta ng pagsusuri rito. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)