Isusumite na bukas, January 27, ng Department of Justice (DOJ) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng isinagawa nilang pag-aaral hinggil sa pagpapawalang-bisa sa RP-US Visiting Forces Agreement (VFA), katuwang ang bansang amerika.
Ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, nakasaad sa resultang ito ang mga dapat na isaalang-alang upang tuluyang makansela ang VFA.
Pahayag ni Guevarra, magbibigay lamang sila ng rekomendasyon kay Pang. Duterte kapag nabasa na nito ng buo ang nilalaman ng kanilang pag-aaral.
Una nang sinabi ng punong ehekutibo na kanyang kakanselahin ang VFA kapag hindi itinama o binago ng Amerika ang ginawang pagkansela sa visa ni dating PNP Chief at ngayoy Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at sa iba pang opisyal ng gobyerno matapos nilang ipakulong si Sen. Leila De Lima na nadawit sa operasyon ng illegal na droga.