Tila naging padalos-dalos si Pangulong Rodrigo Duterte sa pasiya nitong kanselahin na ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ito’y ayon kay UP Diliman Professor Roland Simbulan, isang political analyst, matapos namang ipag-utos na ni Pangulong Duterte ang pagsisimula sa proseso para sa termination ng VFA.
Kasunod naman ito ng tuluyang pagkansela sa US visa ni Senador Ronald Dela Rosa, isa sa mga kilalang malapit na kaalyado ng Pangulo.
Sinabi ni Simbulan, hindi dapat ibinatay ni Pangulong Duterte sa kanyang pagpapasiya ang personal na usapin lalo na’t nakasalalay dito ang interes at seguridad ng buong bansa.
So, yun ang dapat nating tignan kung itong mga VFA at saka ibang kasunduan natin, kung paano nakakaapekto sa ating national interest and national security hindi yung padalos-dalos, ibig sabihin ba kapag bibigyan lang yung isang bansa ng personal na pabor ang Presidente o mga kaibigan niya pagbibigyan natin kahit na hindi mabuti sa ating national interest kaya hindi dapat padalos-dalos lang,” ani Simbulan.
Gayunman, iginiit ni Simbulan na pabor siya sa pagpapatigil na sa VFA gayundin ng iba pang military agreement ng Pilipinas sa Amerika tulad ng mutual defense treaty at Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ito naman aniya ay upang maipakitang pantay ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa iba pang mga bansa at hindi lamang sa Amerika.
Para sa akin kailangan matanggal ito, hindi lang VFA pati yung mutual defense treaty at saka yung EDCA. Sa tingin ko dapat na pare-pareho yung pakikipagkaibigan natin sa lahat ng bansa hindi yung nakahiling sa isang bansa katulad ng Estados Unidos kasi tulad niyan yung US maraming kalaban sa Middle East, kapag nagkaroon ng girian dyan sa bakbakan, yung mga military bases at facilities nila saka mga tropa nila, yan ang magiging prime target, pati tayo madadamay,” ani Simbulan. — panayam mula sa Todong Nationwide Talakayan.