Mananatili sa mga lalawigan ng Batangas at Cavite ang mga ipinadalang standby support force ng Philippine National Police (PNP) mula Kampo Crame.
Ito ang inihayag ni PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac, kahit ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa level 3 ang alerto ng Bulkang Taal.
Ayon kay Banac, may pangangailangan pa ng karagdagang puwersa ng pulis sa mga problemadong bayan sa Batangas at Cavite para mapanatili ang kaayusan doon.
Tiniyak naman ni Banac na magpapatupad ng shifting sa mga nakatalagang pulis sa loob ng tatlo hanggang apat na araw upang makapagpahinga at makabawi ng lakas ang mga ito.
Aabot sa mahigit 2,000 pulis mula sa reactionary standby support force ang nakatalaga para sa disaster response at humanitarian assistance sa mga apektadong lugar ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)