Nakaalis na sa Wuhan City sa China ang chartered plane ng Amerika para ilikas ang kanilang mamamayan mula sa nasabing lungsod.
Sakay ng eroplano ang 240 American nationals na naipit sa Wuhan City nang ipatupad ang lockdown dahil sa novel coronavirus (nCoV).
Ayon sa U.S. state department, may mga sakay ding diplomats ang eroplano kung saan mahigpit na sinuri ang lahat ng mga sakay bago umalis ng Wuhan City.
Ang nasabing eroplano ay dadaan muna sa Alaska para magrefuel bago lumapag sa Ontario International Airport sa California.
Habang ginagawa ang refueling ay muling isasailalim sa screening ang mga pasahero ng eroplano para matingnan muli ang kanilang kondisyon.
Isasailalim sa ikatlong screening ang mga pasahero pagdating sa Ontario Airport na ilang taon nang ginagamit ng gobyerno ng Amerika bilang designated airport para tumanggap ng repatriated Americans na galing sa ibang bansa na mayroong emergency.