Balik eskuwela na ngayong araw na ito ang maraming paaralan sa Batangas, tatlong linggo matapos ang pag aalburuto ng bulkang Taal.
Bilang paghahanda sa pagbubukas muli ng klase naglilinis na simula pa nitong nakalipas na araw ng Martes ang mga miyembro ng Joint Task Force Taal, ROTC at volunteers mula sa Laurel, Batangas ang Laurel Central School.
Ilang estudyante sa elementarya mula sa ibat-ibat barangay sa Laurel ang magka klase muna sa Laurel Central School dahil ginagamit pang evacuation centers ang ilang eskuwelahan sa nasabing bayan.
Magsasagawa rin ng klase tuwing Sabado para mabawi ang mga nasuspinding klase dahil sa aktibidad ng bulkang Taal.
Ipinabatid naman ni Joselisto Castro, pinuno ng Batangas PDRRMO na ipinauubaya na ni Batangas Governor Hermilando Mandanas sa mga Alkalde ang pagpapasya kung bubuksan na ang klase sa kani kanilang mga nasasakupan.