Pansamantalang nagpatupad ng lockdown ang Philippine Military Academy (PMA) sa Fort Del Pilar sa Baguio City.
Ayon kay PMA Spokesperson Captain Cherryl Tindog, bahagi ang hakbang ng kanilang ginagawang pag-iingat para makaiwas sa novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV-ARD) ang mga nasa loob ng akademiya.
Maliban dito, sinabi ni Tindog na sinuspendi na rin maging ang weekend leaves, priviledges at official business ng mga kadete sa labas ng PMA.
Gayunman, papayagan pa rin naman aniyang dumalaw sa PMA ang mga magulang at kamag-anak ng mga kadete kung pahihintulutan ng mga PMA health practitioners.
Tuloy-tuloy din aniya ang lahat ng mga aktibidad at pagsasanay ng mga kadete sa PMA.
Kaugnay nito, nagsagawa na ng information dissemination sa mga kadete at personnel ng PMA patungkol sa coronavirus at pag-iwas dito ang mga tauhan ng Fort Del Pilar Station Hospital—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).