Mahigit 5,000 housing units na inilaan sa mga sundalo at pulis ang ibibigay na lamang sa mga pamilyang naapektuhan nang pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Ipinabatid ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos magbigay ng update sa cabinet meeting si Housing Secretary Eduardo Del Rosario hinggil sa panukalang permanent shelter sites para sa mga apektadong pamilya.
Ayon kay Del Rosario, 5,000 hanggang 6,000 pamilya ang makikinabang sa naturang pabahay, kabilang ang 2,000 pamilya mula mismo sa Taal Island o nasa 7-kilometer danger zone.
Sinabi ni Panelo na ang Department of Human Settlements and Urban Development ang nakikipagnegosasyon para tuluyang maipagkaloob ang mga naturang bahay sa mga apektadong pamilya ng pagputok ng Taal Volcano. —ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)