Itinanggi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang maling paggamit sa kanilang confidential and intelligence fund.
Sa isang statement na inilabas ng DICT tatlong araw matapos lumabas ang akusasyon ang pondo anila ay ginamit upang palakasin ang depensa ng bansa laban sa tumitinding cyber threat .
Tinukoy ng DICT ang datos mula sa Kaspersky, isang private security firm kung saan sinasabing ika-pito ang Pilipinas sa hanay ng mga bansang nahaharap sa cyber threats.
Nilinaw rin ng DICT na hindi naman sinabi ng commission on audit na illegal ang paggamit nila sa pondo.
Ang proseso lamang anila ng pagpapalabas sa pondo ang pinuna ng COA na naitama naman anila ng ahensya.
Batay sa COA report, P300-M ang cash advance ni DICT Secretary Gregorio Honasan mula Nobyembre hanggang Disyembre ng nakaraang taon para sa cybersecurity activities.
Matatandaan na isa sa mga rason ng ‘di umano’y pagbibitiw sa DICT ni Usec. Eliseo Rio ang paggamit ng DICT sa kanilang confidential fund para sa paniniktik na anyay dapat para lamang sa pulis o militar.