Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at mga local government units (LGUs) na ipatupad at sumunod sa national zoning plan kontra african swine fever (ASF).
Layun nitong maiwasan ang pagkalat pa ng nabanggit na nakamamatay na sakit sa mga alagang baboy sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa Administrative Order 22 ni Pangulong Duterte, kanyang iginiit ang agarang pangangailangan para matiyak ang tuloy-tuloy na implementasyon at pagsunod sa Administrative Circular No. 12 o National Zoning and Movement Plan for African Swine Fever ng Department of Agriculture (DA).
Sa ilalim ng nabanggit na DA circular, tutukuyin ang zone classification ng isang lugar depende sa inilagay na geographical limits ng mga awroridad alinsunod naman sa mga na-infect at isinailalim sa quaratine.
Halimbawa nito ang mga natukoy na infected zones dahil sa mga naitalang kumpirmadong kaso ng ASF tulad sa Pangasinan, Nueva Ecija, Cavite, at Rizal.
Habang free zone naman ang mga lugar na walang kaso ng ASF, yellow zone ang mga tinatawag na high risk areas bunsod ng dami ng populasyon ng alagang baboy gayundin ng bentahan ng mga karneng baboy at mga produktong gawa dito.