Itinanggi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na nagkakaroon ng inconsistencies o hindi pagkakatugmatugma sa pahayag ng mga miyembro ng gabinete sa usapin ng pagterminate sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Ito ay matapos na tawagin bilang fake news ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pahayag ni Panelo.
Kaugnay ito ng anito’y utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Executive Secretary Salvador Medialdea na sabihan si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na magpadala na ng notice of termination ng VFA sa gobyerno ng Estados Unidos.
Ayon kasi kay Lorenzana, wala pa silang natatanggap ni Locsin na utos mula sa pangulo.
Gayunman, iginiit ni Panelo na posibleng hindi pa lamang natatanggap ng excutive secretary ang direktiba ng pangulo.
Wala rin aniya siyang sinabi na naipadala na ang nabanggit na kautusan kay Medialdea pero hindi pa rin naman ito nangangahulugang hindi totoo ang kanyang ibinahaging impormasyon sa media.
Pinabulaanan din ni Panelo ang ulat na nagkakasalungat ang mga pananaw ng gabinete ng pangulo sa usapin ng pagbasura sa VFA.