Pahinga muna ngayong araw ang Gilas Pilipinas sa 2015 FIBA Asia Championship na ginaganap sa Changsha, China bago sumabak sa quarterfinals kontra Lebanon, bukas.
Aminado ang Philippine national basketball team na nakahinga sila ng maluwag nang ilampaso ang India sa 2nd round ng Group E sa score na 99-65, kahapon.
Ayon kay Gilas Coach Tab Baldwin, ang pagiging mas disiplinado ng team sa pamamagitan ng kaunting foul ang naging susi sa kanilang magkakasunod na tagumpay maliban sa kanilang buena manong talo sa Palestine.
Gayunman, hindi aniya magiging madali para sa kanila na makasagupa ang Lebanese team na nasa 34th spot ng FIBA world rankings lalo’t mas malalaki at mabibilis nitong mga player.
Maglalaban din sa quarter finals ang Qatar at Japan; China at India; Iran at South Korea habang huling magbabakbakan ang Pilipinas at Lebanon.
By Drew Nacino