Maaari nang muling makabyahe patungong Taiwan at pabalik ng Pilipinas.
Ito’y matapos alisin ng pamahalaan ang travel ban sa Taiwan ngayong Biyernes, Pebrero 14.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, ang desisyon ay ibinase sa naging pasya ng Inter-Agency Task Force for Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Mayroon naman kasi sila aniyang pinatutupad na strict measures at protocols para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Bukod dito, sinabi rin ni Panelo na muling susuriin ng IATF kung posible rin ang pag tanggal ng travel ban sa iba pang mga bansa kabilang ang Macau.
Matatandaang hindi ikinatuwa ng Taiwanese government ang naging hakbang ng Pilipinas sa pagpapatupad ng travel ban dito dahil sa banta ng COVID-19.
Giit ng Malacañang, ang pagpatupad sa travel ban ay para sa kaligtasan ng mga Pilipino at hindi dahil sa anumang usaping politikal.