Patay ang tatlong hinihinalang lider New People’s Army (NPA) matapos maka-engkwentro ng tropa ng pamahalaan sa bayan ng Sta. Lucia, Ilocos Sur.
Ayon sa Philippine Army, napatay ng 81st infantry battalion ang secretary, deputy secretary, at political officer ng Komiteng Larangang Gerilya-South Ilocos (KLG-SIS) ng rebeldeng grupo.
Sinabi ni Major Amado Gutierrez, spokesman ng 7th infantry division, nagsasagawa ng imbestigasyon ang military at local police force sa bayan ng Sta. Lucia, matapos makatanggap ng report hinggil sa presensya ng NPA doon.
Pahayag ni Maj. Gutierrez, napilitang gumanti ang tropa ng pamahalaan nang una silang paputukan ng komunistang grupo.
Narekober naman ng mga otoridad sa lugar ang dalawang .45 caliber pistols at fragmentation grenade.
Pahayag ni Colonel Audrey Pasia, commander ng 702nd infantry brigade, ang KLG-SIS ang isa sa pinakamalakas na NPA units sa Region 1.
Pahayag naman ni Major General Lenard Agustin, commander ng 7th infantry division, matagal na nilang hinihintay ang pagkakataong ito na makasagupa ang naturang grupo ng NPA.
Pinapurihan naman ni Major General Agustin ang pagsisikap ng kanilang tropa upang masawata ang local terrorism sa Ilocos Norte, kasabay ng paghimok nito sa mga rebelde na magbalik loob na sa pamahalaan.