Binigyang-diin ni PNP Chief Gen. Archie Gamboa na mananatiling inosente ang mga pulis na nasa narco list ni Pang. Rodrigo Duterte hangga’t hindi ito napatutunayan.
Ayon kay gamboa, bibigyan ng pagkakataon ang 357 police officers na nasa listahan ng mga sangkot sa iligal na droga upang makapagpaliwanag at maisailalim sa imbestigasyon.
Ginawa ng PNP Chief ang pahayag matapos na hilingin nito kay Pang. Duterte na bigyan sila ng panahon upang i-validate at i-evaluate ang mga naturang pulis.
Giit ni Gen. Gamboa, hindi ibig sabihin na porket nasa listahan ang mga nasasangkot na police officers ay tatanggapin na ito sa Korte.
Inaakusahan ang mga police officials and personnel na nasa narco-list ng pagkakadawit sa krimen tulad ng pakikipagsabwatan sa mga hinihinalang drug lords at pushers, kabilang na ang extortion at illegal gambling.
Pahayag ni Gamboa, kung sakaling hindi mapatunayan ang alegasyon laban sa isang inaakusahang police officer, agad itong mapapawalang sala ngunit kung mapatutunayan ang akusasyon, tiyak aniyang sasampahan ng kaukulang kaso ang sinumang nagkasala sa batas.