Kalaboso ang dalawang lalaking hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot sa ikinasang buy bust operation ng mga awtoridad sa Pasig City.
Kinilala ang mga naaresto na sina Richard Radan at Jayden Buenaobra na kapwa residente ng Rosario sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay P/Capt. Allan Hernandez ng Pasig City Police, ikinasa ang operasyon dakong 2 a.m. kaninang madaling araw sa bahagi ng Tramo sa nabanggit na lugar.
Nakuha mula sa mga naaresto ang nasa 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000 gayundin ang P500 na buy bust money.
Kasalukuyan nang nakakulong sa Eastern Police District ang mga naaresto at ipaghaharap ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.