Suportado ni Department of Foreign Affairs (DFA) secretary Teddy Locsin Jr. ang panukalang payagan nang makabalik ng Hong Kong ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ipinatupad na travel ban bunsod ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Sa kanyang Twitter post, nangako si Locsin na kanilang irerekonsidera ang pagpapabalik sa Hong Kong ng mga na-stranded na OFWs sa bansa sa susunod na dalawang linggo.
Sinabi ni Locsin, panahon na para payagang makabalik sa kanilang mga employers sa Hong Kong ang mga OFWs na matagal nang naghihintay na maalis ang travel ban doon.
Iginiit pa ng kalihim na mas magaganda at may higit na kakayanan ang mga pasilidad sa Hong Kong para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.
Una nang sinabi ni Labor secretary Silvestre Bello III na pinagbigyan ang mga nagbakasyong OFW na mag-extend ng kanilang leave bunsod ng ipinatupad na travel ban sa Hong Kong.