Higit na makikinabang sa Executive Order 104 o batas na nagtatakda ng price cap sa piling mga gamot ang mga senior citizens.
Ito ang inihayag ng Department of Health (DOH) matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nabanggit na batas.
Ayon kay Health secretary Francisco Duque III, tinatayang 7% ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ay mga senior citizens.
Sinabi ni Duque, karaniwang mga senior citizens din ang nangangailangan ng mga maintenance drugs na kasama sa listahan ng mga gamot na papatawan ng maximum retail price.
Dagdag pa ng kalihim, maaari pa ring gamitin ng mga senior citizens ang kanilang discount kahit pa nabawasan na ang presyo ng ilang piling gamot.
Tiniyak naman ni Duque na mahigpit nilang babantayan kung tumatalima sa E.O. 104 ang mga botika oras na maging ganap na itong epektibo matapos ang 90 araw.
Duque kinontra ang pangamba ng mga pharma companies
Kinontra ni Health secretary Francisco Duque III ang pangamba ng mga pharmaceutical companies kaugnay ng pagpapatupad ng Executive Order 104 o batas na nagtatakda ng maximum retail price sa ilang mga gamot.
Ayon kay Duque, kanilang nakikita na posibleng dumami ang bilang ng mga consumers na tatangkilik at bibili ng mga gamot na dating ibinebenta sa mataas na presyo.
Kasunod na rin aniya ito ng inaasahang pagbaba sa presyo ng mga ito.
Aniya, mababawi ng mga kumpanya ang kanilang lumiit na tubo sa pagdami ng bilang ng mga tumatangkilik na mamimili.
Una nang sinabi ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) na posibleng magresulta sa pagkalugi ng maliliit na kumpanya ang paglalagay ng price cap sa mga gamot.