Umapela ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kurdistan, ang special administrative region ng Iraq, na tanggalin na ang umiiral na deployment ban sa nabanggit na bansa.
Sa ipinadalang liham ng samahang manggagawa ng Kurdistan sa Embahada ng Pilipinas sa Baghdad, kanilang ipinahayag ang sentimyento ng Filipino community doon.
Ayon sa grupo, maraming Pilipino sa Kurdistan ang nagbabakasyon sa Pilipinas nang ipatupad ng pamahalaan ang deployment ban sa Iraq noong Enero 10 dahil sa kaguluhan sa Baghdad.
Anila, kinakailangan nang makabalik sa kani-kanilang mga trabaho sa kurdistan ang mga naistranded na mga Pilipino.
Iginiit pa ng grupo, wala nang pangangailangan pa para ipagpatuloy ang deployment ban dahil humupa na rin ang tensyon sa pagitan ng U.S. at Iran na nakaapekto sa Iraq.
Sinabi naman ng mga opisyal ng Philippine Embassy sa Baghdad na kanila nang ipinaabot sa Department of Foreign Affairs ang liham ng mga OFW’s pero wala pa anilang sagot ang ahensiya.