Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakahanda ang pamahalaan sakaling kailanganing ilikas ang mga Pilipino sa South Korea dahil sa banta ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Labor secretary Silvestre Bello III, sa ngayon ay wala pang pangangailangan o wala pang Pinoy na humihiling na sila ay ilikas at makauwi na ng bansa.
Nananatili pa rin aniyang ligtas ang mga Pinoy sa South Korea dahil sa wala pa ring ulat na naapektuhan ng sakit.
Batay sa pagtaya ng DOLE, aabot sa halos 60,000 ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa South Korea kung saan karamihan sa mga ito ay mga factory workers, wellness workers, skilled workers at household-service workers.