Dinepensahan ng ilang senador ang kanilang pagdalo sa nakalipas na pagdinig sa Senado hinggil sa franchise renewal ng ABS-CBN Corp.
Ito’y matapos batikusin ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga senador na dumalo sa nasabing pagdinig at tawaging sipsip at epal.
Ayon kay Senador Christopher “Bong” Go, nakatulong ang naturang pagdinig para mas maging malinaw ang isyu na nakakapigil sa renewal ng prangkisa ng media network.
Ani Go, hindi lamang mga senador kun’di maging ang mga Pilipino ay naliwanagan kung ano ang puno’t dulo ng usapin.
Giit pa ni Go, naroon sila sa pagdinig dahil ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho.
Naniniwala naman si Senador Manny Pacquiao na walang masama sa kanilang ginawa at ginagawa rin lamang nila ang kanilang bahagi dahil ito ay interes din ng bawat Pilipino.
Gayunman, nirerespeto umano niya ang naging opinyon ni Cayetano hinggil sa ginawang pagdinig sa Senado.