Nakapagtala ng moderate na pagbubuga ng umaabot sa 300 meters na taas ng steam laden plumes sa Bulkang Taal, kagabi, Miyerkules, ika-26 ng Pebrero.
Ayon ito kay Department of Science and Technology (DOST) undersecretary at PHIVOLCs director Renato Solidum, kung saan ang unang pagbuga ay nangyari alas-9 kagabi at ikalawa ay kaninang alas-3 ng madaling araw.
Ipinabatid sa DWIZ ni Solidum na walang kasamang abo o lava na ibinuga ang Bulkang Taal na sa nakalipas ding magdamag ay nakapagtala ng 34 na volcanic earthquakes na pawang mahihina lamang.
Nananatili naman aniyang nakataas sa Alert Level 2 ang Taal Volcano kaya’t pinapayuhan pa rin nila ang publiko na iwasang pumasok sa Taal Volcano Island dahil sa posibilidad ng phreatic explosions, volcanic earthquakes, ash fall at pagbubuga ng volcanic gas.
Talaga pong ineexpect natin na magkakaroon ng pag-usok. Ito po ay normal na mga pangyayari kasi aktibo pa ang bulkan,” ani Solidum. —sa panayam ng Ratsada Balita