Muling pinaalalahanan ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko hinggil sa pagtungo sa mga matataong lugar.
Ito ay gitna na rin ng inorganisang nationwide sale ng Department of Tourism (DOT) sa buong buwan ng Marso na una nang itinakda bago pa man magsimula ang COVID-19 outbreak.
Ayon kay Duque, mas makabubuti kung huwag na munang magtungo ang lahat sa mga matataong lugar para matiyak na hindi magkakaroon ng tsansa ng pagkahawa sa virus.
Kung sakali naman aniyang hindi ito maiiwasan, kinakailangang masunod ng mga pamunuan ng malls ang mga ipinalabas nilang disinfection procedures.
Dagdag ni Duque, mas makabubuti rin kung may mga thermal guns ang mga guwardiya sa pintuan ng mga malls para mabantayan ang temperatura ng mga papasok na mga mamimili.