Mariing kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang panibagong kaso ng pagpaslang sa isa na namang miyembro ng Hudikatura.
Ito’y makaraang tambangan hanggang sa mapaslang ng hindi pa tukoy na salarin si Atty. Bayani Dalangin sa loob mismong opisina nito sa Talavera, Nueva Ecija kahapon.
Ayon kay Atty. Jackie De Guia, tagapagsalita ng CHR, nakababahala na ang tumataas na bilang ng mga kaso ng pagpatay lalo na sa mga taong gumaganap lamang ng kanilang mandato sa ilalim ng batas.
Nakapanghihinayang ayon kay De Guia na ang target ngayon ng mga walang habas na pagpatay ay iyong mga tao na nagtataguyod ng patas na paglilitis sa mga may sala at nagtatanggol sa mga inosente.
Dahil dito, umapela ang CHR sa Philippine National Police (PNP) na bilisan ang ginagawang imbestigasyon upang agad matugis ang may sala at mapanagot ito sa lalong madaling panahon.