Inihain ng siyam na senador ang isang concurrent resolution na naglalayong payagan ang ABS-CBN network na magpatuloy sa operasyon.
Ito ay habang tinatalakay pa ng 18th congress ang renewal ng kanilang prangkisa ng nabanggit na network.
Sa ilalim ng concurrent resolution number 7, hiniling ng siyam na Senador sa National Telecommunications Commission (NTC) ang magpalabas ng provisional authority sa ABS-CBN.
Iginiit din ng mga Senador na posibleng magresulta sa pagkawala ng trabaho ng nasa 11,000 mga empleyado ng ABS-CBN kung hindi mare-renew ang prangkisa nito.
Maaari rin anilang makaapekto hindi lamang sa kompetisyon sa industriya ng broadcasting kundi maging sa ekonomiya ng bansa kapag nawala sa merkado ang ABS-CBN.
Binigyang diin pa sa resolusyon na ilang beses na ring tinangka ng ABS-CBN ang makakuha ng panibagong prangkisa sa pamamagitan ng paghahain ng panukala sa House of Representatives noong 16th congress pero hindi na nakausad sa committee level.
Ang nabanggit na concurrent resolution ay inihain nina Senador Sonny Angara, Nancy Binay, Sherwin Gatchalian, Lito Lapid, Joel Villanueva, Juan Miguel Zubiri, Grace Poe, Ralph Recto at Manny Pacquiao.