Isa pang Filipina sa Singapore ang nagpositibo na rin sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa Ministry of Health ng Singapore, ang nabanggit na Pinay worker ang siyang ika-108 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa.
Anila, may hawak na Singapore work pass ang pasyenteng Filipina at hindi kailanman bumiyahe sa China o Daegu City at Cheongdo County sa South Korea.
Dagdag ng Singapore Ministry of Health, una nang nagpositibo sa COVID-19 ang employer ng Pinay gayundin ang kasamahan nito sa trabaho.
Kasalukuyan nang naka-isolate sa ng Teng Fong General Hospital ang Pinay na pasyente.
Ito na ang ikatlong Filipino sa Singapore na nahawaan ng nabanggit na virus.