Tiniyak ng Malacañang ang aksyon ng pamahalaan kaugnay sa inilabas na impormasyon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson hinggil sa presensya sa bansa ng nasa 3,000 Chinese na umano’y miyembro ng People’s Liberation Army (PLA).
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, biniberipika na ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ani Panelo, anumang makalap na impormasyon na maaaring malagay sa alanganin ang seguridad ng bansa ay dapat ipangamba.
Ngunit sinabi ni Panelo na hanggat hindi pa ito napatutunayan ay ituturing itong isang espekulasyon lamang.
Sa ngayon kasi umano ay wala pang ibinibigay sina Defense secretary Delfin Lorenza at National Security Adviser Hermogenes Esperon hinggil sa nasabing ulat.