Tatalakayin sa isasagawang pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) on emerging infectious disease ngayong araw ang usapin sa pagsusupinde ng klase ng mga paaralan.
Ito ang inihayag ni Justice secretary Menardo Guevarra, isa sa mga miyembro ng IATF, sa gitna na rin ng mga panawagan para sa class suspension matapos namang maitala ang unang kumpirmadong local transmission ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Guevarra, pangunahing ikinukunsidera ng inter-agency task force ang kalusugan ng publiko kaya kabilang ang ito sa pagpapasiyahan alinsunod na rin aniya sa magiging batayan ng Department of Health (DOH).
Iginiit ni Guevarra, maaari pa ring mabawi ang mga mawawalang kita sa kalakalan at turismo at ma-reschedule ang mga nakatakdang aktibidad pero hindi aniya ang buhay ng mga taong nailagay sa alanganin dahil sa kawalan ng pag-iingat.
Samantala, ipinauubaya naman ng Malakanyang sa mga local government units at pamunuaan ng mga eskuwelahan ang pagpapasiya kung kinakailangang magsuspinde ng klase.