Nasa 70,000 Pilipino ang di umano’y apektado ng lockdown sa ilang rehiyon sa Italya dahil sa dumaraming kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Sa Lombardy Region pa lamang na unang isinailalim sa lockdown, umaabot na umano sa 60,000 ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Tiniyak ng Philippine Embassy sa Rome at consulate general sa Milan na sinusubaybayan nila ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan na sa kinauukulan upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino mula sa COVID-19.
Una nang inihayag ng Italya ang lockdown sa Lombardy Region kasama ang 14 na karatig na mga lalawigan na tinagurian nilang ‘red zones’.
At kanina lamang inihayag ni Italian Prime Minister Giuseppe Conte na susundin sa buong Italya ang mga kundisyong ipinatutupad sa mga lugar na sakop ng lockdown.
Kabilang dito ang pagbabawal sa lahat ng public gatherings at limitadong paggala maliban sa pagpasok sa trabaho at emergencies.