Isang linggo munang suspendido ang visitation privileges sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City at sa iba pang kulungan sa bansa na pinangangasiwaan ng Bureau of Corrections (BuCor).
Kasunod ito ng deklarasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte ng state of public health emergency matapos ang pagtaas ng Department of Health (DOH) sa code red alert sub level 1 dahil sa pangamba sa COVID-19.
Simula ngayong araw na ito, Miyerkules bawal munang bisitahin ang mga inmate sa mga naturang kulungan bilang bahagi ng protocol o safety measures.
Kabilang sa prison facilities ng BuCor ang Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City, Davao Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan, San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City, Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro at Leyte Regional Prison.