Nagpalabas ng guidelines ang Department of Education (DepEd) sa ipatutupad na schedule para sa final examination at graduation rites ng mga eskuwelahan.
Ito ay sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na dahilan ng pagkakaantala sa ilang mga aktibidad sa mga paaralan.
Sa abiso ng DepEd, itinakda mula Marso 16 hanggang 20 ang nalalabing final examinations ng mga eskuwelahan sa Metro Manila na gagawing staggered basis.
Layunin nitong mabawasan ang dami ng mga estudyanteng papasok sa kada nabanggit na araw ng pagsusulit.
Habang ang mga eskuwalehan sa labas ng Metro Manila ay maaaring magsagawa ng 4th quarter examinations mula ngayong araw, Marso 16 hanggang 20 kung saan hahatiin din ang bilang ng mga estudyante.
Dagdag ng DepEd, lahat ng mga kinakailangan pang school requirements matapos ang 4th quarter exam ay kinakailangan nang gawin bilang home-based assignments.
Samantala, itinatakda naman ang schedule ng graduation o moving up rites mula Abril 13 hanggang 17.