Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na tuloy-tuloy ang transportasyon ng lahat ng uri ng oil products sa kabila nang umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon kasama ang Metro Manila.
Ayon sa DOE ang lahat ng mga produktong pang enerhiya ay itinuturing na pangunahing pangangailangan kaya’t walang dahilan para mahinto ang transportasyon ng mga ito.
Kasama na rin na dapat hindi maapektuhan ang supply ng kuryente at kabilang sa resolusyon na inilabas ng Inter Agency Task Force (IATF).
Nanawagan ang DOE sa koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan na tiyakin na hindi maapektuhan ang pagbibigay serbisyo ng sektor ng enerhiya ngayong kritikal ang sitwasyon.
Binigyang diin ng DOE na sa paglaban sa COVID-19 mahalaga ang produkto at serbisyong pang enerhiya para sa produksyon at transportasyon ng mga pagkain, komunikasyon at pagbibigay ng serbisyong medikal.