Aarangkada na ang pamimigay-ayuda ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawang naapektuhan ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, makatatanggap ng tig-P5,000 tulong ang mga manggagawa, anuman ang kanilang employment status.
Iba-base naman ng DOLE ang pamimigay ng tulong sa partial list na manggagaling sa mga employers.
Sisimulan na rin ng DOLE ngayong Biyernes ang kanilang financial assistance program na “TUPAD” o Tulong Pangkabuhayan sa Displaced o Under-Privileged Workers para naman sa mga informal workers.
Sa ilalim nito ay bibigyan ng pansamantalang trabaho ang mga informal workers na pinaapektado ng Luzon-wide community quarantine.