Pananagutin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang sinumang pasaway na nananamantala sa mga essential goods tulad ng pagkain, medical at hygine supplies.
Ito ang tiniyak ni DILG Sec. Eduardo Año kasunod ng sunod-sunod na pagkakaaresto ng ilang mga online sellers na nagbebenta ng mga produkto na doble ang ipinapatong na presyo.
Sa panayam ng DWIZ kay Año, sinabi nitong kaniya nang inatasan ang Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) upang magkasa ng inspeksyon sa mga bodega.
Magugunitang sunod-sunod ang naging operasyon ng pulisya laban sa mga hoarder ng ilang hygine supplies tulad ng alcohol kung saan, sobra-sobra ang ipinapatong na presyo nito sa merkado.
Kasunod niyan, sinabi ni Año na tukoy na nila ang ilan sa mga hoarders kaya’t bubuo na sila ng tracker teams na siyang tutugis dito.