Pinatututukan ni Anak Kalusugan Party List Representative Michael Defensor sa Department of Health (DOH) ang mga may sakit ng HIV at tuberculosis.
Ito ayon kay Defensor ay dahil sa gitna ng banta ng COVID-19 ay marami pa ring mga Pilipino ang hindi bukas na mapagkonsulta sa mga doktor lalo na ang mga mayroong HIV na mas delikado para sa kalusugan.
Sinabi ni Defensor na dapat matiyak na mananatiling nakabukas ang 156 na HIV outpatient enters para tuloy-tuloy ang gamutan ng mga ito at makakakuha pa rin ng libreng supply ng anti-retroviral medicines ang mga pasyente gayundin ang iba pang nais magpakonsulta.
Bukod dito ang mga na diagnose naman na mayroong TB ay dapat nabibigyan din aniya ng sapat at tuloy-tuloy na gamutan.
Inihayag pa ni Defensor na tulad ng ibang may existing na sakit vulnerable rin sa COVID-19 ang mga mayroong HIV at TB.
Batay sa record ng HIV/AIDS registry aabot sa halos 72,000 HIV cases kung saan 58% ay sumasailalim sa treatment habang ang nasa mahigit 3,000 ay sumakabilang buhay na.
Ang Pilipinas ay ikatlo sa buong mundo na mayroong pinakamataas na kaso ng TB at inaasahang tataas pa ito sa 2.5-M case hanggang 2022.