Hindi magpapatupad ng dagdag-singil sa mga pantalan ang Philippine Ports Authority (PPA) sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang nilinaw ng PPA matapos mapaulat ang pagpapataw ng isang kumpanya sa Lucena, Quezon ng P60,000 kada byahe bilang additional pilot health hazard fee.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, hindi dapat ginagamit ang ECQ para makapanamantala at magpataw ng karagdagang singil.
Dahil dito, naglabas si Santiago ng notice of prohibition kung saan nakasaad na walang dagdag na port charges at iba pang bayarin kabilang na ang cargo handling, pilotage, terminal at miscellaneous.
Kasabay nito pinababantayan na ni Santiago ang charges and fees sa lahat ng pantalan sa buong bansa sa mga port managers nito.