Nakapagtala na ang lalawigan ng Ilocos Sur ng isang kaso ng nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang kinumpirma ni Gov. Ryan Luis Singson sa katatapos niyang news conference sa lungsod ng Vigan.
Ayon kay Singson, ang unang COVID-19 patient ay isang 55 anyos na babae mula sa Brgy. Magsaysay, Tagudin, Ilocos Sur.
Siya ay unang dinala sa Ilocos Sur District Hospital sa Tagudin noong March 21 dahil sa sipon, ubo at lagnat.
Hindi ito nagtagal sa nasabing ospital at inilipat sa isang pribadong ospital sa San Fernando, La Union.
Dito siya nakuhanan ng swab samples at sa araw na ito ay nakumpirmang siya ay positibo sa COVID-19.
Wala umanong history ito ng biyahe sa abroad, ngunit may kararating siyang anak na galing sa Amerika noong March 8.
Dahil dito ay isinailalim sa Lockdown ang buong barangay Magsaysay, Tagudin, Ilocos Sur at nagsasagawa na sila ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente.