Bababa ang singil sa tubig ng Manila Water –epektibo ika-1 ng Abril.
Ang pagbaba ng singil, ayon sa Manila Water, ay dahil sa Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) kung saan bumaba ng 0.74% ang basic charge kumpara sa huling quarter ng nakalipas na taon.
Dahil dito, ang mga customer ng Manila Water na may konsumo na 30-cubic meters kada buwan ay makakatipid ng P5.02 sa kanilang bill.
P2.46 naman ang bawas sa bill ng mga customer na kumokonsumo ng 20-cubic meters kada buwan at P1.11 naman sa mga gumagamit ng 10-cubic meters kada buwan.
Ang lifeline customers o low income residential customers na ang konsumo ay mas mababa sa 10-cubic meters ay patuloy na magbabayad ng P87 na lifeline rate kada buwan.