Pumalo na sa pitong miyembro ng pambansang pulisya ang tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, apat ang naidagdag sa tala ng PNP health service nito, ito ang isang 53 taong gulang na lalaki, isang 52 taong gulang na lalaki, isang 47 taong gulang na babae, at isang 46 taong gulang na lalaki na pawang mga nakadestino sa Metro Manila.
Nauna nang inihayag ni Banac, noong nakaraang linggo ang tatlong pulis na nagpositibo rin sa virus mula sa National Capital Region (NCR).
Sa datos ng PNP health service, 145 PNP personnel na ang inirekumenda ng health service nito bilang mga persons under investigation (PUI), habang nasa 1,416 ang nakalista bilang mga persons under monitoring (PUM).
Kasunod nito, agad na binuo ng PNP ang National Headquarters Medical Reserve Force (NHQ-MRF) para suportahan ang COVID-19 operations task force nito.
Samantala, sinabi ni Banac na ang MRF ay binubuo ng 257 na PNP personnel na nakapagtapos ng medical related course, para i-augment ang mga tauhan ng PNP health service at PNP General Hospital.
Sa panulat ni Ace Cruz.