Nagpalabas ng abiso ang Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa tamang pasahod sa Abril 9 at 10 na deklarado bilang regular holidays at Abril 11 na special non-working holiday.
Sa Labor Advisory no. 13 ng DOLE, nakasaad na makatatanggap ng double pay o 200% ng kanilang arawang sahod ang mga empleyado kahit hindi nagtrabaho sa Abril 9 na natapat sa araw ng kagitingan at Huwebes Santo.
Habang babayaran naman ng 300 %ng kanilang arawang sahod ang mga papasok sa trabaho sa Abril 9 na itinuturing na double regular holiday.
May karagdagan namang 30% ng hourly rate ang mga mag-oovertime at dagdag ding 30% ng araw sahod sa mga papasok sa trabaho pero natapat sa rest day.
Samantala, sa Abril 10 Biyernes Santo, dapat makatanggap ng 200 percent ng arawang sahod ang mga manggagawang papasok sa trabaho, karagdagang 30% ng hourly rate kung mag-overtime at karagdagan ding 30% ng daily wage kung matatapat sa rest day pero magtatrabaho.
Habang “no work no pay” naman sa Abril 11, Sabado De Gloria maliban na lamang kung umiiral na polisiya o collective bargaining agreement sa kumpanya.
Sa nabanggit na araw makakatanggap naman ng 30% ng arawang sahod ang mga papasok sa trabaho, karagdagang 30% ng hourly rate kung mag-oovertime at karagdagang 50% ng arawang sahod kung papasok pero natapat sa rest day.
Binigyang diin naman ng DOLE na kinakailangang matiyak na pumasok sa trabaho o naka leave with pay ang empleyado bago ang pagsisimula ng enhanced community quarantine noong Marso 17.