Pinaghahanda ni House Ways and Means Committee chair Joey Salceda ang gobyerno sa pagdating ng mahigit 400,000 OFWs sa mga susunod na buwan o pagkatapos ng peak ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis sa bansa.
Ito ayon kay Salceda ay para maiwasan na rin ang second wave ng infection na maaaring idulot ng mga uuwing OFWs mula sa mga bansang pinaka apektado ng COVID-19.
Dahil dito, inirekomenda ni Salceda ang paglalaan ng P20-billion para sa mga programa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa OFWs sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Isa aniya sa mga maituturing na pinakamalaking negatibong epekto ng COVID-19 crisis ay ang 55-billion dollars na remittance mula sa mga OFW kada taon na kapag nangyari ay magre-resulta sa dalawa hanggang tatlong taon bago makabalik muli ang Pilipinas sa normal levels.
Sinabi ni Salceda na nangangahulugan nitong dapat maghanda ang gobyerno sa pag-proseso, quarantine, at pag test sa mahigit 400,000 OFWs at kung may mga hadlang ay kailangang gawan na ng paraan.