Walang naitalang nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang China ngayong araw, sa kauna-unahang pagkakataon magmula nang magsimula ang outbreak noong Enero.
Kasunod na rin ito ng unti-unting pagbaba sa mga napauulat na bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa simula nitong Marso.
Gayunman, ibinabala pa rin ng Chinese Health Officials ang posibilidad ng pagkakaroon ng second wave ng impeksyon sa kanilang bansa bunsod ng mga naitatalang imported cases o mga mamamayan nilang nagbabalik sa China.
Batay sa kanilang pinakahuling datos, nakapagtala ang China ng 32 bagong kaso ng COVID-19 na pawang mga nanggaling ng ibang bansa.
Maliban dito, tumataas din ang bilang ng asymptomatic infections o mga pasyenteng walang sintomas ng COVID-19.