Suportado ng ilang senador ang pasiya ng pamahalaan na palawigin pa ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon hanggang Abril 30.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, makatuwiran ang naging pasiya ng pamahalaan lalu na’t wala pa aniyang matibay na pagtaya ang Department of Health (DOH) sa lawak ng epekto ng COVID-19.
Aniya, mas mabuti na ang extension ng ECQ para mahanapan ng konkretong solusyon ang mga kinahaharap na problemang pangkalusugan dahil sa pagkalat ng nabanggit na virus.
Gayunman, iginiit ni Sotto na kailangang madaliin na ng ehekutibo ang mas maayos na pamamahagi ng mga ayuda at emergency subsidy sa mga apektadong pamilya.
Itinuturing namang balido ni Senador Francis Tolentino ang dahilan sa pagpapalawig ng ECQ.
Nakasaad din aniya ito sa kanilang ipinasang Bayanihan Law kung saan epektibo ang nabanggit na batas sa loob ng dalawanng buwan.
Pabor din si Senador Sonny Angara sa naging pasiya ng administrasyon kung saan mabibigyan ng panahon ang pagsasagawa ng mass testing.
Samantala, ipinauubaya naman ni Senador Panfilo Lacson sa health at economic clusters ng pamahalaan ang pagpapasiya sa extension o pagtanggal na ng ECQ dahil nangangailangan aniya ito ng masusing pag-aaral —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19).