Nanawagan si Senator Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE) na gumawa na ng mga hakbangin upang maisama ang mga healthcare workers na mayroong kontrata sa ibang bansa sa kanilang healthcare system upang mabigyan sila ng kaukulang ayuda matapos na magpatupad ang pamahalaan ng overseas deployment ban.
Ayon sa mambabatas, maaring ipag-utos ng estado ang pagsuspinde ng deployment ng mga medical personnel dahil sa nararanasang health crisis, ngunit kailangan rin aniyang pag-aralang mabuti ng gobyerno ang epekto ng travel ban para sa mga healthcare workers na may kasalukuyang kontrata at nagbabakasyon lamang ngayon dito sa Pilipinas.
Umaapela rin ang Senador sa Department of Foreign Affairs (DFA) na tulungan ang mga overseas healthcare workers na kontakin ang kanilang mga employer sa ibang bansa para matiyak na mayroon parin silang babalikang trabaho sa abroad sakaling bawiin na ang deployment ban.
Ngunit kung wala aniyang maibibigay na konkretong solusyon hinggil dito ang pamahalaan, mas mabuti aniyang muling rebyuhin ang polisiyang ito at payagan nang makalabas ng bansa ang mga mayroong existing contracts, habang mananatili namang saklaw ng travel ban ang mga medical personnel na mag-aaplay o magpo-proseso pa lamang ng kanilang kontrata.