Hinimok ni Pope Francis ang lahat na huwag magpagupo sa takot at gawing sentro ang mensahe ng pag-asa sa gitna ng pagharap ng lahat sa coronavirus pandemic.
Ito ang bahagi ng homily ng Santo Papa nang kanyang pangunahan ang Easter Eve Mass sa St. Peter’s Basilica sa Vatican.
Ayon kay Pope Francis, ang nararanasang kawalan ng kasiguraduhan ng buong mundo dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ay tulad ng ebanghelyo kung saan natagpuan ng mga kababaihan ang walang laman na puntod ni Hesus.
Tulad ng nabanggit na araw, nagkaroon din ng takot para sa kinabukasan at muling pagbangon, naputol na pag-asa at maituturing na pinakamadilim na panahon.
Gayunman ito rin aniya ang araw ng muling pagkabuhay ng panginoon na nagbigay din ng bagong pag-asa sa lahat.
Hinimok din ni Pope Francis ang lahat na maging mensahero ng buhay sa gitna ng panahon ng kamatayan kasabay ng panawagan sa pagtigil ng giyera, produksyon at pagbebenta ng mga armas.
Iginiit ng Santo Papa, sa panahong ito ang kailangan ng lahat ay tinapay at hindi baril.