Inaasahang magbubukas na anumang araw mula ngayon ang World Trade Center bilang isa sa mga function hall sa National Capital Region (NCR) na gagamiting quarantine facilities laban sa 2019 coronavirus disease (COVID 19).
Ito’y makaraang matapos na ng Ayala Group of Companies ang conversion ng isang bahagi ng World Trade Center (WTC) bilang temporary quarantine at healthcare facility para sa mga pasyenteng apektado ng COVID-19.
Naisakatuparan ang proyektong binansagang WTC: We Heal as One Center sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang organisasyon at sektor sa pangunguna ng Ayala Land, Inc., Globe Telecom Inc., Manila Water Company, Integrated Micro-Electronics (IMI), AC Energy Inc., ICC Group, Manila Exhibition Center Inc. (MEC) at ang Bases Conversion Development Authority (BCDA) at ng pamahalaan.
Aabot sa P46.4 million ang inilaang pondo ng Ayala Group of Companies sa proyektong ito.
Pinangasiwaan ng Makati Development Corp (MDC) ang konstruksyon ng 9,700 square meters na pasilidad na mayroong 500 bed capacity, isolation cubicles, examination rooms, nurse stations, doctor’s work areas at medical staff quarters.
Malaking bahagi ng konstruksyon sa pasilidad ay sinagot Globe Telecom gayundin ang unlimited Wi-Fi services.
Nagtayo naman ang Manila Water ng 27 shower areas para sa mga pasyente at 10 converted container van para sa mga medical workers.
Nagbigay din ng 500 bedframes at unan ang AC Energy at nangakong sasagutin ang 50% ng electricity cost ng pasilidad hanggang May 31, 2020.
Habang iko-cover ng Manila Electric Company ang natitirang 50% na bayarin sa kuryente.
Karagdagang P29.5 million din ang nakalap na pondo ng Ayala Group na mula sa Smart Communication Inc., San Miguel Corp., Philippine Constructors Association at MDC Constructions partners.
Ilang kompanya rin ang libreng sumagot na para sa food commissary suppliers, mga cafeteria operator, security, cleaning, maintenance at laundry services.
Habang ang Pamahalaan naman ang siyang magbabayad sa mga medical equipment, supplies at iba pang serbisyo katuwang ang ibang pribadong donors at financiers.
Nitong Martes, ika-14 ng Abril ay pormal nang itinurn-over na ng Ayala Group of Companies sa ating Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pamamahala sa WTC na sila namang naatasang mangasiwa sa nasabing pasilidad.
Ang WTC ay isa sa pinakamalaking event facilities sa bansa kung saan dito isinagawa ang 2017 Association of Southeast Asians Nation at 2019 Southeast Asian Games.