Naipakalat na ng Joint Task Force Coronavirus Shield ang kabuuang dalawang daang mga QR code scanners sa iba’t ibang mga quarantine control points sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations and Covid Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, kaalinsabay ito ng pagpapatupad ng rapid pass system o makabagong sistema para sa mas mabilis na paggalaw ng mga health workers at iba pang frontliners.
Ito ay sa gitna pa rin ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
Maliban dito, sinabi ni Eleazar na maiiwasana na rin dito ang pagkakaroon ng direct contact ng mga awtoridad sa motorista.
Nilinaw naman ni Eleazar na kinakailangan pa ring ipakita ng mga frontliners ang kanilang mga ID o identification cards mula sa iatf at iba pang dokumento na nagpapatunay na bahagi sila sa mga exempted sa ECQ. Ulat mula kay —Jaymark Dagala (Patrol 9)