Umaabot na sa halos P90.3-M ang nalikom na pondo at pledges ng Philippine National Police (PNP) para sa kanilang bayanihan fund challenge.
Kasunod ito ng naging hamon ni PNP Chief Police General Archie Gamboa at tugon ng pambansang pulisya sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan ang mga matinding naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.
Target ng PNP ang makalikom ng P200-M para ibigay bilang donasyon sa nagpapatuloy na relief efforts ng pamahalaan.
Batay sa naunang anunsyo ni Gamboa, obligado ang mga opisyal ng PNP mula sa heneral, pinuno ng command group, directorial staff, regional directors at national support units na magbigay ng 50% ng kanilang basic pay para sa mayo.
Habang boluntaryo naman at walang itinakdang halaga ang donasyong maibibigay ng mga pulis na may mababang ranggo.