Patay ang dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos maka-engkuwentro ang tropa ng 3rd special forces ng Philippine Army sa Prosperidad Agusan Del Sur kaninang umaga.
Ayon kay 3rd Special Forces Battalion Commanding Officer Lt. Col. Joey Baybayan, nagsasagawa sila ng defense patrol sa lugar bago mangyari ang engkuwentro sa Sitio Mikit Barangay San Martin.
Nasa 30 rebelde aniya ang nakabakbakan ng militar na tumagal ng halos 30 minuto.
Narekober naman ng militar sa lugar ng engkuwentro ang iba’t-ibang matataas na kalibre ng armas tulad ng AK 47 rifle, dalawang M16 riflena may grenade launcher, M653 rifle, 10 backpacks, limang bandoliers at isang commercial radio. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)