Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay officials sa bansa na i-post ang listahan ng mga beneficiaries sa mga public places tulad ng barangay hall.
Layon nito na masiguro ang transparency sa pamamahagi ng social amelioration program (SAP) ngayong humaharap ang bansa at ang buong mundo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, napaka-importante na ihayag ang listahan para maliwanagan din aniya ang mga mamamayan at maintindihan na kailangang unahin ang pinakamahirap na pamilya na talagang walang-wala nang mapaghuhugutan sa gitna ng nararanasan ngayong krisis.
Giit ni Año, ang intensyon din nito ay upang masiguro na kompleto at tama ang listahan ng mga barangay.
Kung mayroon man aniyang kulang o mali ang nasa listahan, maaari itong maaksyunan agad ng city o municipal government, o kaya naman aniya ay ipagbigay-alam sa DSWD.
Dagdag ni Año, kung maayos naman ang proseso sa pamimigay ng SAC form at ng kaukulang assistance, wala naman aniyang dapat na itago.
Nararapat lamang aniya na ipaskil ng mga LGU ang listahan ng mga SAP beneficiaries para walang maging dahilan ang publiko na magreklamo at magduda sa mga opisyal ng barangay o sa local DSWD.